Minabuti ng Parole and Probation Office Cauayan City na makipag-ugnayan sa Highway Patrol Group (HPG) para sa pagbibigay ng kaalaman sa kanilang mga parolee at probationer tungkol sa road safety.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Pedro Almeda Jr., hepe ng Parole and Probation Office Cauayan City, sinabi niya na batay sa kanilang obserbasyon, karamihan sa kanilang mga parolee at probationer ay walang lisensya, helmet, at rehistro ng kanilang mga motorsiklo o sasakyan. Dahil dito, nagiging dahilan din ito kung bakit hindi sila agad nakakapag-report sa kanilang tanggapan.
Sa isinagawang seminar ng HPG, natalakay ang mga posibleng paglabag ng isang motorista na walang kaukulang dokumento sa pagmamaneho. Ipinaliwanag din ang mga kaukulang penalties at multa na ipapataw sa bawat paglabag.
Pinaalalahanan ng HPG ang 50 parolee at probationer na dumalo na mas mainam na kumuha ng mga kinakailangang dokumento, dahil mas malaki ang gagastusin sa pagbabayad ng multa kaysa sa pagpaparehistro at pagkuha ng lisensya.
Dagdag pa rito, mababawasan din ang abala sa daan dahil mas madali silang makakapagpatuloy kung maipapakita ang mga kaukulang dokumento tulad ng rehistro, lisensya, at iba pang legal na papeles.
Paliwanag ng HPG, mas mabuting sumunod sa batas sapagkat ito ay para rin sa kaligtasan ng bawat nagmamaneho.
Pinasalamatan naman ng pamunuan ng Parole and Probation Office ang HPG Isabela sa pagpapaunlak sa isinagawang seminar at workshop para sa kanilang mga parolee.
Ayon kay Ginoong Almeda, makatutulong ito upang higit na mahikayat ang mga parolee na magbagong-buhay at umiwas sa masasamang gawain.











