Minamadali ngayon ng Cauayan City Water District (CCWD) ang pagtatapos ng kanilang mga water pumping station matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente kaugnay ng kakulangan ng suplay ng tubig.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager ng CCWD, sinabi niyang kasalukuyang ginagawa ang pumping stations sa Barangay Tagaran at Barangay Marabulig 2, na kabilang sa mga lugar na pinakaapektado ng problema sa tubig.
Ayon kay Supnet, may mga pagkakataong naaantala ang konstruksyon dahil kinakapos sila ng pondo, sapagkat nakabatay sa kita ng kanilang tanggapan ang pagpapatuloy ng paggawa at maintenance ng mga pasilidad. Nilinaw din niya na hindi saklaw ng pondo mula sa lokal na pamahalaan ang water district kaya dumadaan sa mahabang proseso ang pagpapatayo ng bawat proyekto.
Target na matapos at magsimula nang mag-operate ang pumping station sa Marabulig 2 ngayong ikatlong kwarter ng 2025. Gayunman, para sa proyekto sa Tagaran, wala pa umanong tiyak na petsa ng pagtatapos.
Tiniyak ni Supnet na tuloy-tuloy ang konstruksyon ng mga nasabing pasilidad upang maibsan ang pasanin ng mga konsyumer.
Sa mga nagdaang buwan, ilang reklamo ang natanggap ng tanggapan dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig, lalo na tuwing peak hours na karaniwang sabay-sabay ang paggamit ng mga estudyante at kabahayan. Ipinaliwanag ng CCWD na normal ang pagbaba ng pressure tuwing ganitong oras.
Dagdag pa ni Supnet, nananatiling sapat at ligtas ang kalidad ng tubig na kanilang isinusuplay sa buong nasasakupan.











