Bumuo na ang Committee on Health and Sanitation at Cauayan City Health Office ng guidelines para matugunan ang naganap na outbreak ng Hand, Foot and Mouth Disease sa isang Paaralan sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlunsod Member Eleazar Delmendo ang chairman ng Committee on Health and Sanitation, sinabi niya na nagkaroon na ng unti-unting pagbaba sa naitatalang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease sa Cauayan South Central School.
Aniya batay sa resulta ng nakaraang committee hearing napag-alaman na wala pang naibabang unified health protocol na susundin sa ganitong uri ng outbreak.
Sa tulong ng City Health Office ay gumawa ng guidelines na siyang susundin ng lahat ng mga paaralan sa Lunsod ng Cauayan para maiwasan na kumalat pa ang sakit at muling makapag-focus sa pag-aaral ang mga estudyante.
Laman ng guidelines ang maagap na reporting sa mga makikitaan ng sintomas, pagsusuot ng face mask sakaling may maitalang kaso, tuloy-tuloy na disinfection at social distancing.
Inaasahan na sa susunod na Linggo ay ilalabas na nila ang resolusyon bago ibaba ang guidelines sa bawat Paaralan.










