--Ads--

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na huwag nang isama sa makikinabang ng Zero Balance Billing ang mga pasyenteng nasangkot sa aksidente dahil sa paglabag sa batas-trapiko, tulad ng mga drayber na lasing o hindi nagsusuot ng helmet.

Sa unang tingin, makatuwiran ang panukalang ito. Bakit nga ba dapat sagutin ng gobyerno at ng taumbayan sa pamamagitan ng buwis ang gastusin ng mga drayber na malinaw na nagpakita ng kapabayaan sa sarili at sa kapwa? Ang Zero Balance Billing ay nilikha upang magbigay-ginhawa sa mga pasyenteng walang kakayahang pinansyal, hindi upang isubsidize ang kapabayaan o i-“reward” ang mga lumalabag sa batas.

Ngunit dapat ding isaalang-alang ang masalimuot na usapin ng karapatang pantao at serbisyong pangkalusugan. Ang ospital ay hindi dapat maging lugar ng diskriminasyon. Kapag buhay ang nakataya, una at higit sa lahat ang dapat gawin ay iligtas ito, anumang uri ng pasyente siya. Hindi rin maiiwasan na may mga pasahero o inosenteng biktima na kasama sa mga aksidente, na maaaring maapektuhan ng masyadong istriktong patakaran.

Mula sa datos ng DOH nitong Hulyo, malinaw na may krisis sa kalsada: 5,083 road crash injuries, kung saan higit sa 3,000 ay may kinalaman sa motorsiklo, at sa bilang na ito, mahigit 3,000 ang walang helmet habang daan-daan ang lasing. Sa dami ng kaso, malinaw na hindi sapat ang kasalukuyang pagpapatupad ng batas-trapiko.

--Ads--

Kung gayon, imbes na limitahan ang access sa Zero Balance Billing, mas nararapat na paigtingin ng pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, information campaign, at preventive measures. Ang tunay na solusyon ay hindi sa ospital nagsisimula, kundi sa kalsada.

Sa huli, dapat manatiling gabay ang dalawang prinsipyo: pananagutan at makataong pagtrato. Pananagutan ng drayber ang sumunod sa batas, ngunit tungkulin ng pamahalaan na tiyakin na walang Pilipinong maiiwan sa ospital dahil lamang sa kakulangan sa pambayad.

Kung magtatagumpay sa tamang balanse, maaari nating mabawasan ang bilang ng aksidente nang hindi isinasakripisyo ang karapatan ng bawat isa sa serbisyong medikal.