Itinalaga ng Pangulo ng Nepal na si Ram Chandra Poudel si dating Chief Justice na si Sushila Karki bilang pansamantalang punong ministro ang kauna-unahang babae na mamumuno sa pamahalaan ng bansang nasa Himalayas. Ang hakbang na ito ay kasunod ng matinding protesta na nagbunsod sa pagbagsak ng nakaraang administrasyon.
Kasabay ng pagtatalaga, binuwag din ng pangulo ang parlyamento at itinakda ang halalan sa ika-5 ng Marso, alinsunod sa rekomendasyon ng bagong punong ministro. Huling ginanap ang pambansang halalan noong 2022.
Si Karki, 73 taong gulang, ay kilala sa kanyang matatag na paninindigan laban sa korapsyon noong siya ang tanging babaeng punong mahistrado ng Nepal noong 2016–2017. Bagamat sinubukan siyang patalsikin ng ilang mambabatas noong Abril 2017 dahil sa umano’y pagkiling, hindi ito nagtagumpay at tinuligsa bilang pag-atake sa hudikatura.
Nagsimula ang mga demonstrasyon noong Lunes sa kabisera ng Kathmandu dahil sa pagbabawal sa social media, na nauwi sa karahasan. Sinugod ng mga nagpoprotesta ang mga gusali ng pamahalaan, sinunog ang parlyamento, tirahan ng pangulo, at ilang negosyo. Bagamat binawi ang ban, nagpatuloy ang kaguluhan dahil sa mas malawak na hinaing ng mamamayan.
Dahil sa kaguluhan, nagbitiw si Punong Ministro Khadga Prasad Oli noong Martes at tumakas mula sa kanyang opisyal na tirahan. Kinontrol ng militar ang kabisera kinagabihan at nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng mga nagpoprotesta, hukbong sandatahan, at pangulo para sa pansamantalang pamahalaan.
Ayon sa pulisya, hindi bababa sa 51 katao ang nasawi sa loob ng isang linggo kabilang ang mga nagpoprotesta , ilang bilanggo na nagtangkang tumakas, at tatlong pulis.
sa ngayon ipinatupad ang curfew mula Martes ng gabi, kung saan pinapayagan lamang ang mga residente na lumabas ng ilang oras kada araw upang bumili ng pagkain at suplay habang binabantayan ng mga sundalo ang mga lansangan.
Ang madugong pagkilos ay pinangunahan ng mga “Gen Z,”dahil sa pagbabawal sa mga platform tulad ng Facebook, X, at YouTube, na umano’y hindi rehistrado at hindi sumusunod sa regulasyon. Ngunit lumawak ito sa mas malalim na galit ng kabataan sa tinatawag nilang “nepo kids” mga anak ng politiko na namumuhay nang marangya habang ang karamihan sa kabataan ay hirap makahanap ng trabaho.







