Malaki ang pakinabang para sa mga rescuers ng MDRRMO Echague sa pagkakaroon ng satellite-based Local Risk Assessment System na tumutok sa partikular na lokasyon ng kanilang bayan.
Epektibo ang naturang sistema sa pagmamanman ng klima sa mismong lugar, kaya’t mas mabilis na nakakapaglabas ng impormasyon ang opisina para sa mga mamamayan.
Ayon kay Operations and Warning Officer Cyrus Angoluan, malaking tulong ito sa kanilang operasyon dahil kaya nitong mag-predict ng rain probability, rain millimeter, at maging temperatura sa lokal na antas.
Bagama’t nakasalig sa datos ng PAGASA, ang kaibahan ng systemang ito ay ang pagiging localized, kaya’t mas naaangkop ito sa monitoring ng aktwal na sitwasyon sa nasasakupan ng Echague.
Giit ni Angoluan, mahalaga ang sistemang ito hindi lamang sa aspeto ng preparedness, kundi sa prevention at mitigation ng mga posibleng pinsala ng kalamidad. Aniya, dapat ay nakatuon din ang mga hakbang sa kung paano maiiwasan ang epekto ng sakuna sa mga tao.
Ang Local Risk Assessment System ay itinuturing na kauna-unahan sa Isabela na may ganitong uri ng localized monitoring. Dahil dito, mas madali ang pagsubaybay sa mga lugar na madalas maapektuhan ng kalamidad, lalo’t ang datos ay nakatutok mismo sa lokal na kondisyon ng bayan.











