Umabot sa ₱193,601,000 ang halaga ng mga programa at interbensiyon na naipagkaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pakikiisa sa Handog ng Pangulo Program para sa mga magsasaka sa limang probinsya sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Mary Rose Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na nagsagawa ng sabayang aktibidad ang kagawaran sa Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya. Kabilang dito ang pamamahagi ng makinarya, fuel assistance, fertilizer support, imprastruktura, at rice fertilizer financial assistance na nagkakahalaga ng ₱7,000 bawat isa o kabuuang ₱5.6 milyon para sa humigit-kumulang isang libong magsasaka.
Ayon sa DA, ₱33.7 milyon ang natanggap ng Cagayan para sa 21 farmer cooperatives and associations, habang ang Isabela naman ay nakatanggap ng ₱70.78 milyon halaga ng kagamitan at ₱8 milyon na fuel assistance para sa 2,961 magsasaka.
Samantala, nakatanggap ang Nueva Vizcaya ng ₱70 milyon na halaga ng makinarya at iba pang kagamitang pang-agrikultura para sa 16 farmer cooperatives and associations, habang 408 magsasaka ang nabigyan ng fuel assistance na nagkakahalaga ng ₱1.2 milyon.
Nakatanggap din ang lalawigan ng Quirino ng ₱8 milyon na halaga ng agricultural machinery.
Paglilinaw ni Aquino, ang mga magsasakang nakatanggap ng ayuda mula sa DA ay pawang kwalipikado at nakarehistro sa RSBSA o Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Tiniyak din ng DA na anumang reklamo kaugnay ng paggamit ng mga ipinagkaloob na makinarya ay dapat munang idulog sa mga MAO o Municipal Agriculture Offices na nakatalaga sa pagmamanman, pagrerehistro, at pag-a-update ng RSBSA.











