--Ads--

Sabay-sabay na inilunsad kahapon ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa iba’t ibang panig ng bansa ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.

Pinangunahan ito ng mga kasapi ng Executive Committee (ExeCom) ng DepEd na nakibahagi sa iba’t ibang aktibidad sa iba’t ibang rehiyon.

Hinihikayat ng kagawaran ang mga magulang, tagapag-alaga, at buong komunidad na maging katuwang sa ARAL Program para sa higit na pagkatuto at mas maliwanag na kinabukasan ng mga mag-aaral.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Octavio Cabasag, Chief Education Program Supervisor ng DepEd Region 2, sinabi niyang kabilang sa programa ang pagbibigay ng Edukahon.

--Ads--

Ipinakilala ng DepEd ang Edukahon bilang isang standardized at handang ipamahaging school recovery kit na agad na ide-deploy tuwing may kalamidad upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon.

Kabilang sa laman ng Edukahon packages ang mga laptop, tablet, at iba pang mahahalagang gamit pang-edukasyon para sa mga apektadong paaralan, mag-aaral at mga guro.

Layon ng ARAL Program na hindi lamang tugunan ang learning losses ng mga mag-aaral kundi lumikha rin ng kapaligiran kung saan mas lalo pa silang uunlad at makakamit ang kanilang buong potensyal.

Aniya sa  bahagi ng Naguilian Isabela ay nasa 25 na mag-aaral at 15 na guro ang nakatanggap ng EduKahon.

Sa simultaneous na paglulunsad, pormal nang sinimulan ang implementasyon ng ARAL Program na nagbigay ng panibagong pag-asa para sa dekalidad, accessible, relevant, at liberating education para sa lahat.