--Ads--

Inihayag ni International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na nasuri na ng isang eksperto ang mental health ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos hilingin ng kanyang kampo na huwag nang ituloy ang paglilitis dahil umano sa problema sa kanyang memorya.

Batay sa ulat, sumailalim si Duterte sa pagsusuri ng isang psychologist o psychiatrist at isinailalim din sa CT scan at MRI. Lumabas umano na may indikasyon ng pagbaba sa kanyang memorya at executive function. Gayunman, nilinaw na hindi ito awtomatikong nangangahulugan na hindi siya maaaring humarap sa paglilitis.

Sa kabila ng pagsusuring ito, hindi pa kumbinsido ang ICC Pre-Trial Chamber at inaasahang kukuha pa ng mga karagdagang eksperto upang masuri ang aktuwal na kalagayan ni Duterte. Ayon kay Conti, karaniwan sa ganitong mga kaso na magtalaga ang ICC ng panel of experts para magkaroon ng mas masusing pagsusuri.

Dagdag pa rito, binigyang-diin na maraming doktor na rin ang tumingin kay Duterte sa nakaraan kaya’t inaasahan na hindi tatagal ang proseso ng pagsusuri. Samantala, may ilang impormasyon mula sa mga malalapit sa dating pangulo na nagsasabing nasa maayos naman itong kalusugan, na taliwas sa sinasabi ng kanyang depensa.

--Ads--