Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr. bilang chairperson ng Independent Commission for Infrastructure o ICI.
Sa isang press conference nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na pamumunuan ni Reyes ang naturang independent super body.
Bilang bagong pinuno ng ICI, pamumunuan ni Reyes ang imbestigasyon sa mga iregularidad hindi lamang sa flood control projects kundi maging sa lahat ng national government infrastructure projects sa nakalipas na sampung taon.
Si Reyes ay nagsilbi bilang associate justice ng Korte Suprema mula 2017 hanggang 2020 matapos siyang italaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ito, nagsimula ang kanyang judicial career bilang trial judge noong 1987 sa Metropolitan Trial Court ng Makati at Regional Trial Court ng San Mateo, Rizal.
Noong 1999, siya ay naitalaga bilang associate justice ng Court of Appeals at umabot bilang Presiding Justice noong 2010.
Nagmula rin si Reyes sa pamilyang may malalim na tradisyon sa hudikatura.
Siya ay anak ng dating Court of Appeals Presiding Justice Andres Reyes Sr. at apo ni Justice Alex Reyes Sr., na nagsilbi sa parehong Court of Appeals at Korte Suprema.
Kasama niya sa komisyon sina dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV & Co. country managing partner Rossana Fajardo, habang itinalaga naman si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at investigator.











