Hindi kumpiyansa si Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, sa bisa ng Executive Order No. 94 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para lumikha ng isang independent body na tututok sa imbestigasyon ng mga anomalya sa flood control projects.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Yusingco na kulang sa kapangyarihan ang naturang EO at duda siya kung seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo ng korapsyon gamit ang bagong komisyon.
Aniya, wala itong prosecutorial power at limitado lamang sa pagsasagawa ng imbestigasyon katulad ng ginagawa ng ilang mambabatas na madalas mag-imbestiga ngunit walang napapanagot.
Dagdag pa niya, ang mga kaso ay ihahain pa rin sa Ombudsman na siyang may kapangyarihang magdesisyon at magrekober ng ninakaw na yaman. Para kay Yusingco, ang EO 94 ay tila “pagpapakitang-tao” lamang upang ipakitang may ginagawa ang Pangulo laban sa katiwalian.
Gayunpaman, umaasa pa rin siya na matutupad ang pangako ni Pangulong Marcos na walang sasantuhin ang komisyon sa imbestigasyon—kahit pa mga kaanak o mataas na opisyal gaya ng Speaker of the House.











