Tiniyak ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP Cauayan na nasa maayos na kondisyon ang mental at pisikal na kalusugan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa naturang pasilidad.
Inihayag ni Jail Senior Inspector Susan Encarnacion, Warden ng Cauayan City District Jail sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan na ilang programa ang patuloy na isinasagawa upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga PDL at maging ng mga kawani ng BJMP.
Kabilang dito ang araw-araw na konsultasyon at regular na pagsusuri ng mga nakatalagang nars na 24 oras nakaantabay. Kasabay nito, nagsasagawa rin ng pang-araw-araw na lektura ukol sa kalusugan at mental health awareness.
Dagdag pa rito, nakatalaga rin ang mga eksperto mula sa behavioral science upang masuri at matutukan ang mental health ng mga PDL.
Samantala, tatlong PDL ang naiulat na may malubhang karamdaman na kanilang nakuha bago pa man makapasok sa kulungan. Dalawa sa kanila ang may kaso ng Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) habang ang isa ay may sakit sa bato.
Samantala, sa pinakahuling tala ay bumaba rin ang bilang ng mga PDL sa kulungan na ngayon ay nasa 132 katao na lamang, mas mababa kumpara sa naunang ulat.
Sa kabilang banda, siniguro naman ni Encarnacion na ligtas ang Cauayan City District Jail sa mga nagnanais na bumisita.









