--Ads--

Ilang mambabatas ang nagpahayag ng saloobin kaugnay ng posibleng pagbabago sa liderato ng Kamara, kasunod ng tumitinding imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Matatandaang umugong ang balita sa Kamara hinggil sa paghahain ni House Speaker Martin Romualdez ng leave of absence bilang Speaker, sa gitna ng kontrobersiya sa mga infrastructure projects. Kaugnay nito, si Deputy Speaker Faustino “Bojie” Dy ang lumutang bilang posibleng pansamantalang hahalili sa posisyon.

Ayon sa ulat, nagtungo si Romualdez sa Malacañang upang talakayin ang usapin ng leadership transition, ngunit hindi umano siya pabor sa mungkahing si Dy ang umupong caretaker.

Samantala, nang hingan ng reaksiyon, sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi maaaring magtalaga ng caretaker ang mismong Speaker na magle-leave of absence. Ganito rin ang paliwanag ni Bacolod Rep. Albee Benitez, na nagsabing ang acting Speaker ay dapat italaga sa pamamagitan ng pagboto ng mga Deputy Speaker, o sa draw lots kung walang mapagkasunduan.

--Ads--

Inaasahang magaganap ang pagbaba ni Speaker Romualdez sa sesyon ng Kamara ngayong araw, Setyembre 17—ilang araw bago ang nakaiskedyul na rally sa Setyembre 21.

Sa isang ambush interview, nilinaw ni Tiangco na wala siyang interes sa posisyon ni Romualdez. Inamin niyang madalas silang mag-usap nina Benitez at Cebu Rep. Duke Frasco, ngunit ang kanilang layunin ay hanapan ng solusyon ang isyu upang maibalik ang tiwala ng publiko sa House of Representatives.

Dagdag pa ni Tiangco, hindi dapat numero ang maging batayan sa pagpapalit ng liderato sa Kamara.

Sa kabila ng mga usapin, nananatiling buo ang suporta ng mayorya ng mga mambabatas sa liderato ni Speaker Romualdez.