--Ads--

May lead na ang Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) sa posibleng suspek sa bomb threat na naitala sa Our Lady of the Pillar College (OLPCC), Cauayan Campus kamakailan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza Sr., kinumpirma niyang may isang estudyanteng iniimbestigahan kaugnay sa insidente. Nakipag-ugnayan na rin umano siya kay Vice Mayor Benjie Dy III upang matukoy ang mga susunod na hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Atienza, hindi umano kawalan ng tuition ang motibo ng suspek, batay sa kanilang background investigation. Aniya, may kakayahan sa buhay ang naturang estudyante, at posibleng galit sa mga guro ang dahilan ng pagbabanta.

Sa kasalukuyan, may nakita na silang kahina-hinalang post online na maaaring may kaugnayan sa insidente. Nakikipag-ugnayan na ang IACTF sa hanay ng PNP para sa pagproseso ng kasong isasampa sa mahuhuli.

--Ads--


Nagpaalala si Chairman Atienza na ang sinumang nagpapakalat ng bomb threat ay hindi palalampasin at masasampahan ng kaukulang kaso.


Samantala, pangungunahan ni Atienza ang nakatakdang pagpupulong ng lahat ng Chief of Police sa Isabela, na gaganapin sa Isabela Police Provincial Office. Layunin nitong pag-usapan ang sunod-sunod na bomb threat sa lalawigan.

May mga IT expert na rin umanong kinokonsidera upang tumulong sa mga awtoridad sa pagtukoy at paghuli sa mga salarin.