Muling nagpaalala ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa publiko na ang pagpapakalat ng bomb threats ay hindi biro, kundi isang seryosong krimen na may kaukulang parusa sa ilalim ng Presidential Decree 1727.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlet Topinio, tagapagsalita ng IPPO, inihayag niyang ikinalulungkot ng kanilang tanggapan ang sunod-sunod na insidente ng bomb threats sa malalaking paaralan sa lalawigan.
Ayon kay Topinio, bagamat magkakasunod ang mga ulat ng pagbabanta, patuloy ang pagsisikap ng IPPO na matukoy ang nasa likod ng mga insidente sa tulong ng PECU (Provincial Explosives and Canine Unit).
Bilang tugon, puspusan ang symposium na isinasagawa ng IPPO sa mga paaralan upang bigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral sa tamang pag-uugali at pagresponde sa bomb threat scenarios. Sa katunayan, may nakatakda silang aktibidad ngayong araw sa Bayan ng Cabagan.
Sa ngayon, wala pang natutukoy na suspek dahil kadalasang gumagamit ng dummy o fake accounts ang mga nagpapadala ng banta. Bilang karagdagang hakbang, plano ng IPPO na humingi ng tulong mula sa Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATS) at iminungkahi rin ang pagdaragdag ng CCTV cameras sa mga eskwelahan.
Hinikayat ni Topinio ang mga school administrators na magsagawa ng internal meetings kasama ang kanilang mga tauhan upang matukoy at matugunan ang mga ganitong insidente. Aniya, karamihan sa mga gumagawa ng bomb threat ay may personal na hinanakit sa mga guro o sa mismong institusyon.











