Nakatakdang magsagawa ng Public Hearing ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 at Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) kaugnay ng nakaambang minimum wage adjustment sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Jesus Elpidio Atal Jr., sinabi niyang ang public hearing ay gaganapin sa People’s Gym, Tuguegarao City sa Setyembre 24, habang ang public consultation ay isasagawa sa Robinsons Mall sa Setyembre 25, alas-1 ng hapon.
Ito na ang huling yugto ng konsultasyon ng RTWPB bago ang pormal na deliberasyon sa Oktubre. Bagamat walang pormal na petisyon para sa wage review, isinagawa ang hakbang upang masuri ang kasalukuyang minimum wage sa rehiyon.
Tiniyak ni Atal na maraming manggagawa at employer ang aktibong nakikilahok sa konsultasyon, dahil sila ang direktang apektado sa usapin ng sahod. Tatalakayin din ang mga economic indicators gaya ng inflation bilang batayan sa posibleng adjustment.
May mga mungkahing dagdag sahod mula ₱20 hanggang ₱100, ngunit may ilang employer ang nagsabing hindi pa handa o walang kakayahan na ipatupad ang panukala. Isa sa mga pangunahing dahilan ng mga manggagawa sa hiling na increase ay ang humihinang purchasing power dulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Kasama rin sa mga tatalakayin ang wage adjustment para sa mga kasambahay, partikular ang panukalang ₱500 dagdag kada buwan.
Nilinaw ni Atal na ang wage review ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng dagdag sahod. Marami pang salik ang isasaalang-alang ng RTWPB bago maglabas ng bagong wage order. Gayunpaman, tiniyak niyang ginagawa ng ahensya ang lahat upang makapaglabas ng makatarungan at naaangkop na wage order batay sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa.










