--Ads--

Makikiisa ang National Public Transport Coalition (NPTC) sa gagawing malawakang protesta ng iba’t ibang sektor sa September 19 at 21 bilang pagkondena sa korapsyon sa flood control projects.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na bilang pangulo ng isang transport group pinakikinggan nito ang kagustuhan ng mga miyembro na makilahok sa naturang pagtitipon.

Halos 90% kasi ng mga miyembro ng NPTC ang umaasang may mapapanagot sa mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects.

Aniya, hindi dapat basta lamang matapos sa imbestigasyon ang usapin ng korapsyon sa bansa bagkus ay siguruhing mapanagot ang mga tiwaling opisyal na nagnanakaw ng kaban ng bayan.

--Ads--

Ayon kay Lim, maraming mga drivers at operators ang naapektuhan dahil sa pagbaha sa Metro Manila – hindi lamang aniya mga kabuhayan ang naapektuhan kundi nasira rin ang kanilang mga pinundar matapos malubog sa baha.

Nilinaw niya na ang pakikiisa nila sa protesta ay hindi dahil sa gusto nilang magkaroon ng kaguluhan kundi gusto lamang nilang makita na seryoso ang pamahalaan sa paghahabol sa mga nagkasalang opisyal.