Nagbitiw na si Leyte Representative Martin Romualdez bilang House Speaker ngayong Miyerkules, ika-17 ng Setyembre.
Siya ay pinalitan ni Isabela 6th District Representative Faustino “Bojie” Dy III.
Ayon kay Romualdez, ang pagbaba niya sa puwesto ay para mailayo ang kapulungan mula sa mga paratang ng katiwalian na ibinabato laban sa kaniya.
Nitong Martes ay nakipagpulong si Romualdez sa kaniyang pinsan na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kasama si House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos bago ito magbitiw sa pwesto.
Inihayag din ng dating Speaker na suportado niya ang “independent scrutiny” kaugnay sa alegasyon ng katiwalian sa flood control projects.
Ginawa raw niya ang pagre-resign upang malayang maisakatuparan ng Independent Commission on Infrastructure ang mandato nang walang pagdududa, walang panghihimasok at walang hindi nararapat na impluwensiya.
Sa nakaraang pagharap ng contractor na si Pacifico Discaya sa pagdinig sa Infra Committee sa Kamara na nagsisiyasat sa katiwalian sa flood control projects, sinabi niya na wala silang direktang transaksiyon kay Romualdez at maaaring ginamit lang ang pangalan niya.
Si Rep. Faustino “Bojie” Dy ay anak ng dating gobernador ng Isabela na si Faustino Dy at ni Natividad De Guzman, ang ikalawang asawa nito.
Pumasok si Bojie sa politika noong 1992 bilang bise-alkalde ng Cauayan, Isabela. Pagkaraan, nahalal siya bilang alkalde at nagsilbi ng tatlong termino hanggang 2001.
Noong 2001, pumasok siya sa House of Representatives bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Isabela, kapalit ni Ramon Reyes. Napanatili niya ang posisyon hanggang 2010, ngunit hindi na muling nakatakbo dahil sa term limit.
Dahil dito, tumakbo siya bilang gobernador ng Isabela noong halalan 2010 sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC). Tinalo niya si Grace Padaca ng Liberal Party, na nagsilbing gobernador mula 2004.











