--Ads--

Hindi na ikinabigla ng maraming residente ng Cauayan City ang pagkakahalal kay Isabela 6th District Representative Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong House Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Kasama ang ilang empleyado ng lokal na pamahalaan, masusing tumutok ang mga Cauayeño sa opisyal na deklarasyon ng liderato ni Cong. Dy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Nerissa Serrano, Civil Registrar ng Cauayan City, sinabi niya na hindi na nakapagtataka ang mataas na tiwala ng mga mambabatas kay Dy. Ayon sa kanya, ito ay dahil sa kanyang napatunayan nang malasakit at tapat na serbisyo publiko.

Aniya, nasaksihan niya mismo ang mahusay na pamumuno ni Dy mula nang ito’y magsilbi bilang alkalde ng Cauayan City, hanggang maging gobernador, bise gobernador, at ngayo’y kongresista.

--Ads--

Bagama’t bago pa lamang sa Mababang Kapulungan si Dy, kapansin-pansin umano ang malawak na suporta at kumpiyansa ng kanyang mga kapwa mambabatas, dahilan upang italaga siya sa pinakamataas na posisyon.

Dagdag pa ni Serrano, hindi na rin bago sa mga Isabeleño ang pagbibigay ng buong tiwala kay Dy. Sa bawat posisyong kanyang tinakbuhan sa pamahalaan, palaging ipinagkakaloob sa kanya ng taumbayan ang pagkakataong mamuno.

Para sa mga Cauayeño, ang kanyang pagkakahalal bilang House Speaker ay hindi lamang isang karangalan para sa probinsya kundi isa ring patunay ng kakayahan at dedikasyong maihatid ang mas mataas na antas ng serbisyo sa buong bansa.