--Ads--

Umabot sa tatlong pamilya na binubuo ng sampung indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha na dulot ng Bagyong Mirasol sa bahagi ng Lalawigan ng Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na ang naturang mga pamilya ay pansamantalang tumuloy sa mga evacuation center.

Batay sa kanilang monitoring, wala namang pamilyang naapektuhan ng baha na hindi tumuloy sa evacuation centers at wala ring naitalang nasirang bahay, bagama’t patuloy pa ang updating ng kanilang datos.

Tiniyak ni RD Alan na may ₱152,822,577 na halaga ng standby funds at stockpile, habang mayroong 134,098 family food packs na naka-preposition sa iba’t ibang warehouses sa rehiyon.

--Ads--

Sa ngayon, kampante ang DSWD Region 2 dahil naideliver na ang mga stockpile ng family food packs at non-food items sa lahat ng coastal towns ng Region 2 na posibleng maapektuhan ng kalamidad.

Ayon pa kay RD Alan, triple ang idineliver ng ahensya sa mga lugar na ito upang mareplenish ang mga naunang nagamit noong mga nakaraang bagyo. Inagahan din nila ang pagdedeliver sa mga coastal towns ng Isabela, Cagayan, at Batanes dahil mahirap na anilang puntahan ang mga ito kapag masama ang lagay ng panahon sa karagatan.

Tiniyak pa niya na patuloy ang kanilang pagsasanay kasama ang mga Local Government Unit, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang matiyak ang tamang pamamahala ng mga evacuation center.

Dagdag pa niya, mahalaga na may sapat na kaalaman ang mga namamahala sa evacuation centers kaugnay ng mga standards at protocols para sa iba’t ibang sektor tulad ng mga kabataan, kababaihan, at senior citizen.

Aniya, kinakailangang mapanatiling normal ang daloy ng pamumuhay ng mga residenteng nasa evacuation center at maibsan ang kanilang hirap at pangamba dulot ng natural na kalamidad.