Nakatakdang simulan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang rehabilitasyon ng Hacienda De San Luis sa lalong madaling panahon upang maisakatuparan ang hangarin ng lungsod na makaakit ng mas maraming turista at mapalakas ang turismo.
Tinalakay ang plano ng rehabilitasyon sa isinagawang Committee Hearing ng mga lokal na mambabatas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Tourism Officer Maribel Eugenio, sinabi niya na kabilang sa kanilang idinulog ang pagpapanatili ng kalinisan sa Hacienda, partikular ang pagkakaroon ng maayos at malinis na palikuran para sa mga turista.
Bukod dito, hiniling din ng kanilang tanggapan ang sapat na pondo upang maisaayos ang zip line at iba pang pasilidad para sa outdoor activities na inaasahang makadadagdag sa atraksyon ng lugar.
Ayon kay Eugenio, nararapat lamang na bigyan ng atensyon ang hacienda dahil ito ang isa sa mga paboritong lugar para sa photoshoot ng mga ikinakasal at maging sa paggawa ng school films at iba pang lokal na produksyon.
Sa kasalukuyan, nananatiling mataas ang bilang ng mga turistang bumibisita sa Hacienda De San Luis, dahilan upang higit pa itong pangalagaan at pagandahin.
Samantala, pinaghahandaan na rin ng City Tourism Office ang ika-10 anibersaryo ng Hacienda De San Luis na gaganapin sa Oct. 9. Kabilang sa mga inihandang aktibidad ang makukulay na cultural shows at ang inaabangang kalabaw race na lalahukan ng mga magsasaka mula sa mga karatig-barangay.











