Inihain ni Senador Robin Padilla sa Senado ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang pagtuturo ng mga praktikal na kasanayan sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pag-amyenda sa kasalukuyang kurikulum ng edukasyon sa bansa.
Sa ilalim ng panukala na “Anti-Pabebe” bill, isasama sa mga asignatura ang mga gawaing makatutulong sa pang araw-araw na buhay ng kabataan, kabilang ang basic agriculture at gardening, pagtatahi, pagluluto, mga gawaing bahay, at pagka karpintero at paggawa ng mga kagamitan na yari sa kahoy.
Ayon sa panukala, kailangang maging bahagi ng kurikulum ang mga mandatory hands-on activities at praktikal na demonstrasyon mula mababang antas ng edukasyon hanggang sekondarya upang masigurong epektibong naituturo ang mga kasanayang ito.
Sa paliwanag ni Padilla, binigyang-diin niya ang epekto ng makabagong teknolohiya at pagbabagong-kultural na naging hadlang sa tradisyonal na pamamaraan ng pagtuturo ng mga kasanayan sa tahanan. Bunsod nito, kailangan na aniyang ipatupad ang sistematikong edukasyon sa life skills bilang bahagi ng pormal na sistema ng edukasyon.
Maliban sa mga kasanayan, isinusulong din ng panukala ang values formation at environmental awareness bilang bahagi ng pangunahing layunin ng panukala para sa mas holistic na paghubog sa kabataan.
Hindi naman ipinaliwanag ng senador kung bakit pinangalanan ang panukala bilang “Anti-Pabebe”. Sa kasalukuyang gamit ng salita sa kulturang popular, ang “pabebe” ay tumutukoy sa mga taong may pa-cute, pa-arte, o labis na lambing na kilos na tila kulang sa pagiging seryoso o responsable.
Ang “Anti Pabebe” Senate Bill ay inihain noong Agosto 27 at nai-refer na sa Committee on Basic Education at Committee on Finance noong Setyembre 16 para sa masusing deliberasyon.
Kung maisasabatas, inaasahang magiging bahagi ng lahat ng antas ng edukasyon ang pagtuturo ng praktikal na kasanayan, kasabay ng pagpapalalim sa pag-unawa ng kabataan sa tamang asal at responsibilidad bilang mamamayang Pilipino.










