Nanatili sa Blue Alert Status ang Office of the Civil Defense (OCD) Region 2 dahil sa patuloy na epekto ng Bagyong Mirasol at Bagyong Nando.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Mia Carbonel ng OCD Region 2, sinabi niyang batay sa tala ng kanilang Regional Operations Center, umabot na sa 571 pamilya o 1,859 katao ang naapektuhan mula sa 13 barangay sa lalawigan ng Isabela at Quirino.
Sa kasalukuyan, nananatili ang mga apektadong pamilya sa anim na evacuation centers sa Isabela at Quirino, na may kabuuang 30 pamilya o 102 katao.
Bukod pa rito, may 18 pamilya o 64 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kaanak sa labas ng evacuation centers sa Nagtipunan at Saguday, Quirino.
Samantala, sa Lalawigan ng Isabela pinakamalaking bilang ng apektado ay mula sa Bayan ng San Mateo na sinundan ng Bayan ng Roxas.
Sa kabuuan, 16 overflow bridges ang hindi madaanan dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog. Gayunpaman, karamihan sa mga ito ay nakararanas na ng bahagyang pagbaba ng antas ng tubig.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang naitatalang pinsala sa mga kabahayan ayon sa OCD Region 2.










