--Ads--

Umapaw ang sapa sa Barangay District 1 at District 3 na nagdulot ng pagbaha at paglikas ng ilang residente.

Kabilang sa mga naapektuhan ang pamilya ni Tatay Leno Espigol na napilitang lumikas kagabi patungo sa kanilang kamag-anak sa mataas na bahagi ng District 3 matapos abutin ng tubig ang kanilang tahanan.

Mas naging mahirap ang kanilang kalagayan dahil ang asawa ni Tatay Leno ay isang stroke patient na hirap ilikas. Sa ngayon ay lubog pa rin sa baha ang kanilang bahay.

Sila ang kauna-unahang pamilya na lumikas bunsod ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa lugar.

--Ads--

Samantala, ayon kay Melita Marcos, residente ng Barangay District 3, hanggang tuhod lamang ang baha sa kanilang lugar kaya’t nakakatawid pa rin sila at nakakapagtrabaho.

Gayunman, nagbabantay pa rin sila sa posibleng pagtaas ng tubig lalo na kapag nagpatuloy ang malakas na ulan.

Samanatala, Nalubog sa baha ang pananim ni Lolo Antonio Ubod, residente ng District 3 , matapos ang walang tigil na pag-ulan na dulot ng Bagyong Mirasol.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inilahad ni Lolo Antonio na matagal niyang pinagpaguran ang kanyang maliit na taniman na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan ng kanilang pamilya.

‎Aniya, napilitan siyang lumikas patungo sa gilid ng kalsada mula sa kaniyang kubo-kubo nang biglang umapaw ang tubig sa ragpatan bridge sa kanilang lugar.
‎‎
‎Kabilang sa mga pananim na naapektuhan ng pagbaha ay ang kangkong, kamote, pechay, at papaya. Bukod dito, winasak din ng bagyo ang kanyang kubo na matatagpuan malapit sa gulayan.

‎Bagama’t ligtas ang kanyang pamilya, hindi maitago ang panghihinayang ni Lolo Antonio sa kanyang nawalang kabuhayan.

‎Umaasa siya na makatatanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan upang makapagsimula muli.