--Ads--

Nakatakdang magsagawa ng plate distribution ang Land Transportation Office (LTO) Cauayan City sa Barangay Del Pilar, Cabatuan, Isabela sa ika-20 ng Setyembre 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Deo Salud, hepe ng LTO Cauayan City, sinabi niya na magsisimula ang distribusyon mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Dahil dito, nanawagan siya sa mga motorista na hindi pa nakukuha ang plate number ng kanilang mga sasakyan o motorsiklo na narehistro noong 2017 pababa na dumalo sa distribusyon upang kunin ang kanilang plaka.

Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na magdala ng OR/CR ng kanilang sasakyan o motorsiklo at valid ID upang makuha ang plaka, at nilinaw niya na ito ay libreng ibinibigay ng tanggapan.

--Ads--

Ipinaliwanag pa niya na kahit ang mga motorsiklo ay hindi pa rehistrado ngayong taon ay maaari pa ring kunin ang plaka basta may dalang OR/CR.

Ayon kay Ginoong Salud, umabot na sa 1499 na plaka ang kanilang naipamahagi habang nasa 900 na plaka pa ang nasa kanilang pangangalaga na puntirya nilang maipamahagi hanggang sa Oktubre.