--Ads--

May bahagyang pagtaas sa bilang ng mga pasaherong sumasakay ng eroplano papasok at palabas ng mga coastal towns ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Leonardo Macaraeg, Officer-in-Charge ng PNP Aviation Group–Palanan Airport, sinabi niya na bahagyang dumami ang mga pasahero na maaaring dulot ng hindi na masyadong nakakapagbiyahe ang mga bangka dahil sa masamang lagay ng panahon sa karagatan.

Karamihan sa mga residente ay mas pinipiling sumakay ng eroplano upang makapasok o makalabas ng coastal areas.

Ayon kay PLt. Macaraeg, dahil na rin sa pagpasok ng ber months, nagiging mas maulan ang panahon at mas mahirap ang pagbyahe sa dagat bunsod ng malalakas na alon.

--Ads--

Tiniyak naman niya na patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng kanilang panuntunan kaugnay sa mga dalang bagahe ng mga pasahero, lalo na sa mga ipinagbabawal na bagay.

Patuloy rin ang kanilang koordinasyon sa mga pasahero at sa mga tricycle association hinggil sa mga naitatalang bomb jokes sa lungsod ng Cauayan.

Aniya, bagama’t mahigpit sila sa inspeksyon, mahalaga pa ring maipaabot sa mga pasahero at sa iba pang concerned agencies ang mga kaukulang parusa laban sa mga nagpapakalat ng bomb jokes, lalo na sa paligid ng paliparan.

Bilang bahagi ng information dissemination, nagbabahagi rin sila ng mga flyers na naglalaman ng mahahalagang impormasyon hinggil dito.

Muli niyang pinaalalahanan ang mga pasahero na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa paliparan, dahil maaari itong maging sanhi ng pagkaantala ng kanilang mga biyahe.