Nilinaw ng pamunuan ng Alicia East District na kusang napagkasunduan ng mga school head sa kanilang group chat ang koleksiyong P800 para sa ginaganap na municipal meet.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang Bombo Radyo Cauayan mula sa isang concernced citizen na nabibigatan sa kontribusyong kailangan nilang bayaran bilang guro para sa mga atleta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay District Supervisor Wilson Siquian, sinabi niya na agad siyang nagpatawag ng pulong matapos makarating sa kanya ang concern hinggil sa nasabing koleksiyon na aniya’y mabigat para sa ilang guro, lalo na sa may mga anak na pinag-aaral.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang P500 ay inilaan para sa uniporme ng mga guro, habang ang P300 naman ay para sa pagkain ng mga batang atleta.
Gayunman, iginiit niya na dapat itong manatiling boluntaryo at hindi sapilitan.
Binigyang-diin din ni Siquian na ang magiging epekto lamang para sa mga gurong hindi makakapagbigay ay ang kawalan ng uniporme na susuotin sa municipal meet.
Dagdag pa niya, bagama’t nauunawaan niya ang layunin ng mga school head na suportahan ang mga atleta, nananatili pa ring umiiral ang polisiya ng Department of Education (DepEd) hinggil sa “no collection policy.”
Aminado rin si Siquian na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may naganap na ganitong uri ng koleksiyon, bagay na wala sa nakaraang mga taon, kaya’t ikinagulat din niya ang naturang hakbang.
Nagsimula ngayong araw ang municipal meet at nakatakda ring i-follow up ng pamunuan kung lahat nga ba ng guro ay nakapagbigay ng kani-kanilang kontribusyon.










