Patuloy ang ginagawang paghahanda ng BGD Command Center at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Cauayan City para sa posibleng epekto ng Bagyong Nando.
Ayon kay Michael Cañero, Designated Head ng BGD Command Center, kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagsasagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) upang matiyak ang kahandaan ng lungsod at ng mga katuwang na ahensya sa pagtugon sakaling lumakas ang bagyo.
Nakahanda na rin ang mga food supplies at evacuation centers. Isa sa mga pangunahing tutuluyan ng mga evacuees ay ang F.L. Dy Coliseum na may kakayahang maka-accommodate ng humigit-kumulang 500 indibidwal.
Dagdag pa ni Cañero, patuloy nilang mino-monitor ang mga flood-prone areas, lalo na sa paligid ng Cagayan River at Alicaocao. Nilinaw niya na kahit nasa near-flooding level pa lamang, agad na inaabisuhan ang mga barangay upang makapaghanda ang bawat pamilya.
Hinikayat din ng BGD Command Center ang publiko na manatiling nakaantabay sa kanilang official Facebook page para sa mga real-time updates. Maaari rin umanong tumawag sa kanilang hotline number na nakasaad sa parehong account.
Samantala, nanawagan si Cañero ng partisipasyon mula sa mga Cauayeño, partikular na sa mga lugar na malapit sa ilog.











