Nakaalerto na ang hanay ng Bureau of Fire Protection (BFP) Ilagan para sa paparating na bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO2 Tristan Pauig, Operations Staff ng BFP Ilagan, sinabi niya na aabot sa 81 bagong fire trucks ang ibinigay ng BFP Provincial Office sa lahat ng mga istasyon sa Isabela bilang bahagi ng kanilang paghahanda.
Kabilang sa mga istasyong nakatanggap ng bagong fire truck ang mga bayan ng Divilacan, Maconacon, Palanan at Dinapigue.
Bukod dito, may nakahanda ring 11 ambulansya na gagamitin sakaling kailanganin sa mga emergency cases sa kasagsagan ng bagyo. Kabilang sa mga lugar na may nakatalaga nito ay ang mga bayan ng San Pablo, Cabatuan, Ilagan, Santiago City, Cauayan City, San Manuel, Naguilian at Burgos.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang regular na operasyon ng BFP kabilang ang pag-inspeksyon sa mga gusali, renewal ng fire safety permits, at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa kaligtasan at paghahanda laban sa mga kalamidad.











