Isasagawa sa Setyembre 24 ang unang public hearing hinggil sa wage increase sa Tuguegarao City Gymnasium, habang ang ikalawang public hearing ay nakatakda naman sa Robinsons, Santiago City. Layunin ng Department of Labor and Employment o DOLE na pag-usapan ang posibleng dagdag sahod sa Region 2.
Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa non-agricultural sector sa rehiyon ay 480 pesos, habang 450 pesos naman para sa agricultural sector. Target ng DOLE na makapaglabas ng desisyon bago Oktubre 17, kasabay ng paggunita sa unang implementasyon ng wage adjustment noong nakaraang taon.
Ayon sa DOLE, pinag-aaralan pa ang adjustment na mula 20 pesos hanggang 100 pesos, ngunit hindi pa ito tiyak dahil ibabatay pa rin sa presyo ng mga bilihin at kakayahan ng mga negosyante na magbigay ng sahod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DOLE Region 2 Regional Director Jesus Atal Jr., inihayag nito na sa kabila ng kasalukuyang minimum wage, nasa 20% ng mga negosyante pa rin ang hindi nakasusunod.
May ilang employer na nagkaroon na ng mga garnishment o pagsamsam ng ari-arian dahil sa hindi pagsunod sa pagbabayad ng tamang sahod.
Ipinaliwanag din ni Atal na kapag naaprubahan na ng National Wages and Productivity Council (NWPC) ang bagong wage order at nailathala sa loob ng 15 araw, ito ay awtomatikong magiging epektibo.
Gayunman, exempted sa bagong wage order ang mga new bussineses, barangay-level businesses, at mga kompanyang mayroong mas mababa sa 10 workers.











