--Ads--

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Philippine Coast Guard District North Eastern Luzon sa lagay ng karagatan habang patuloy na nararamdaman ang epekto ng Bagyong Nando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Raffy D. Laguiwed, Acting Chief of Staff ng Coast Guard District North Eastern Luzon, nakahanda na ang lahat ng ground units at inatasang makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya para sa mabilis na pagtugon.

Sa ngayon, suspendido na ang biyahe mula Sta. Ana, Cagayan patungong Isabela dahil sa nararamdamang masamang panahon sa eastern seaboards.

Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang mga byahe mula Claveria patungong Kalayan at Aparri patungong Kalayan.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Laguiwed na awtomatikong ipatutupad ang “no sail policy” kapag nagdeklara ang PAGASA ng Tropical Cyclone Signal No. 1. Subalit kahit walang signal warning, hindi rin papayagan ang paglalayag kung makikita ng clearing team na masama ang panahon sa port of origin o sa port of destination.

Dagdag pa rito, inihahanda na rin ang mga private assets para sa posibleng deployment sakaling lumala ang sitwasyon. Sa kasalukuyan, nananatiling maayos ang lagay ng panahon sa Batanes, ngunit nakahanda ang Coast Guard sa agarang aksyon kapag nagkaroon ng pagbabago.

Samantala, naitala rin ang isang grounding incident ng barko sa gitna ng bagyo, ngunit walang nasirang bahagi ng sasakyang-pandagat at walang na obserbahang oil leakage.