--Ads--

Tiniyak ng Police Regional Office 2 (PRO-2) na nakahanda na ang kanilang hanay para sa paparating na Bagyong Nando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Sharon Mallillin, tagapagsalita ng PRO-2, sinabi niyang handa na ang hanay ng PNP para sa inaasahang epekto ng bagyo na nagsimula nang maramdaman sa ilang bahagi ng Region 2.

Aniya, kasalukuyan silang nagsasagawa ng Oplan Tambuli o pagbabahagi ng impormasyon sa publiko upang maihanda ang mga residente, lalo na sa mabababang lugar na madalas makaranas ng pagbaha.

Nakaantabay na rin ang lahat ng assets ng PNP na maaaring gamitin para sa rescue operations kung kinakailangan sa kasagsagan ng bagyo.

--Ads--

Kasama rin dito ang auxiliary team ng PNP katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga LGU.

Ayon kay Mallillin, pinangunahan ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 ang pagpupulong para sa mas maigting na paghahanda sa pagdating ng Bagyong Nando.

Umaasa naman ang PRO-2 na mapapanatili ang zero casualty sa panibagong sama ng panahon, gaya ng naitala sa mga nagdaang bagyo.

SAMANTALA Nanawagan ang Police Regional Office 2 (PRO-2) na panatilihin ang kaayusan sa nakatakdang malawakang kilos protesta bukas ng umaga sa ilang lalawigan ng Region 2, kabilang ang Nueva Vizcaya, Santiago City, at Cagayan.

Mula pa kahapon ay nasa full alert status na ang PRO-2 habang naka-standby naman ang kanilang reactionary forces na maaaring ideploy anumang oras kung kinakailangan.

Tiniyak din ng PRO-2 na nakahanda silang magbigay ng seguridad para sa mga magsasagawa ng kilos protesta upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Lambak ng Cagayan.