--Ads--

Bahagyang bumilis ang Super Typhoon Nando habang papalapit sa Extreme Northern Luzon.

Naitala ang sentro ng mata ng Super Typhoon Nando sa layong 245 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan, base sa pinakahuling datos ng PAGASA.

Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 205 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 250 kilometro kada oras. Kasalukuyan itong kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Sa kasalukuyan nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa: Hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Island, Panuitan Island, Didicas Island at Calayan Island).

--Ads--

Signal No. 4: Timog-silangang bahagi ng Batanes (Basco, Mahatao, Ivana, Uyugan, Sabtang), natitirang bahagi ng Babuyan Islands, at hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana)

Signal No. 3: Natitirang bahagi ng Batanes, hilaga at gitnang bahagi ng mainland Cagayan, hilaga at gitnang bahagi ng Apayao, at hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Norte

Signal No. 2: Natitirang bahagi ng Cagayan, Isabela, natitirang bahagi ng Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, silangan at gitnang bahagi ng Ifugao, hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya (Diadi), natitirang bahagi ng Ilocos Norte, at hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Sur

Signal No. 1: Quirino, natitirang bahagi ng Nueva Vizcaya, natitirang bahagi ng Ifugao, Benguet, natitirang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar) kasama ang Polillo Islands

Inaasahang dadaan malapit o tatama mismo ang sentro ng bagyong Nando sa Babuyan Islands sa pagitan ng tanghali at maagang hapon ngayong araw.

Posible naman itong manatili o lalo pang lumakas habang papalapit sa Extreme Northern Luzon at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng umaga, Setyembre 23.