Umabot na sa mahigit isandaang katao ang inaresto ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang anti-corruption protest sa Maynila kahapon araw ng Linggo.
Nauwi sa kaguluhan ang protesta matapos na magwala ang ilang raliyista at gumawa ng marahas na aksyon sa pagtitipon.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nagkaroon ng gulo sa Luneta Park, Ayala Bridge, at Chino Roces Bridge sa Mendiola matapos manabotahe ang mga nakamaskarang demonstrador. Naghagis umano sila ng bato, harang, bote, at likidong may masangsang na amoy na hinaluan pa ng pintura laban sa mga pulis.
Sa kabuuan, 51 ang inaresto sa Ayala Bridge, kabilang dito ang 38 nasa hustong gulang na isinailalim sa medical examination, dalawang menor de edad na itinurn-over sa Reception and Action Center (RAC) ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), at 11 menor de edad na sumasailalim pa sa pagsusuri kung may sapat na pag-iisip sa kanilang ginawa.
Samantala, 21 naman ang nadakip sa Mendiola na binubuo ng 14 na nasa hustong gulang at 7 menor de edad.
Ang lahat ng inaresto ay nasa kustodiya ngayon ng MPD sa ilalim ng District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) at Women and Children Protection Section (WCPS). Nahaharap sila sa mga kaso gaya ng malicious mischief, paglabag sa Anti-Barricade Act, at iba pang kaugnay na kaso.
Tiniyak din ng opisyal na ang mga menor de edad ay maayos na pinoproseso katuwang ang MDSW upang masiguro ang kanilang kapakanan.
Iniulat pa ng MPD na sinunog ng mga raliyista ang ilalim ng isang ten-wheeler trailer truck at isang motorsiklo sa Ayala-Romualdez intersection, dahilan para makipag-ugnayan agad sa Bureau of Fire Protection upang makontrol ang sunog.
Mula roon, nagtungo ang mga raliyista sa Mendiola kung saan lalo nilang pinaigting ang kaguluhan sa pamamagitan ng paghahagis ng debris at Molotov bombs, pagsusunog ng placards at tarpaulins, at pagvandalize sa mga ari-arian ng pamahalaan.
Nagbigay naman ng agarang lunas ang mga otoridad sa mga nasugatan sa naturang insidente.
Ayon pa sa pulisya, may mga susunod pang pag-aresto laban sa mga sangkot sa paninira sa isang hotel sa Recto at sa pagsimula ng isa pang sunog sa lugar.
Sa kabila ng mga kaguluhan, sinabi ng Philippine National Police na sa pangkalahatan ay naging mapayapa ang mga anti-corruption rallies sa buong bansa.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagkaroon lamang ng ilang insidente na gawa ng pasaway na mga raliyista, ngunit sa kabuuan ay naging maayos ang maraming kilos-protesta dahil nakipagkooperasyon ang karamihan sa mga kalahok.
Batay sa tala ng PNP hanggang alas-6:30 kagabi, umabot sa 61,605 ang mga lumahok sa protesta sa buong bansa, 33,720 sa Metro Manila at 27,885 naman sa iba’t ibang rehiyon.







