Maagang nagsagawa ng paghahanda ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO Echague, Isabela para sa inaasahang pagbaha na maaaring makaapekto sa 19 na barangay sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Mellisa Corpuz, head ng MDRRMO Echague, nag-deploy na rin sila ng mga tauhan sa mga kritikal na lugar upang agad makaresponde sakaling tumaas ang tubig-baha.
Nakahanda na rin ang mga food packs para sa mga barangay na kadalasang naii-isolate tuwing may pagbaha. Ipinaliwanag ni Corpuz na kahit walang ulan sa Echague, tumataas pa rin ang tubig sa ilog dahil sa malakas na ulan sa mga karatig-bayan.
Sa ngayon, dalawang tulay sa bayan ang hindi na madaanan dahil sa mataas na tubig. Binabantayan din ng MDRRMO ang Barangay Carulay at Barangay Mabuhay dahil ito ang mga unang naaapektuhan tuwing may pagbaha. Inaasahan na hanggang 19 na barangay ang maaaring maapektuhan.
May nakahanda nang 1,000 food packs at hygiene kits para sa mga residenteng maaapektuhan. Ang mga ito ay bahagi ng taunang alokasyon ng MDRRMO at Municipal Welfare and Social Development Office (MWSD) para sa disaster response. Mula sa Quick Response Fund, nakalaan ang limang porsyento ng taunang pondo ng LGU para sa agarang pagtugon sa mga kalamidad.
May pitong evacuation centers na inihanda ang pamahalaang lokal. Kabilang dito ang Municipal Evacuation Center, ISU-E Amphitheater, Doña Magdalena Gaffud High School, Barangay Carulay Community Center, Narra Community Center, Mabuhay Community Center, at Dammang Malitao Elementary School.
Inadjust din ang iskedyul ng Mengal Festival upang makaiwas sa masamang panahon. Sa halip na buong buwan ng Oktubre, isinagawa ito mula ikalawang linggo ng Setyembre hanggang ikalawang linggo ng Oktubre.
Patuloy ang isinasagawang monitoring ng MDRRMO sa mga lugar na posibleng bahain. Hinikayat nila ang mga residente na makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at makipag-ugnayan sa kanilang barangay DRRM units para sa tamang impormasyon at gabay sa panahon ng sakuna.











