Nakatakdang buksan ng Senado ngayong Lunes ang mga kahon ng dokumento at computer files na isinumite ni dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez, bilang suporta sa mga paratang laban sa ilang mambabatas na dawit umano sa iregularidad sa flood-control projects.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, pinayagan ni Senate President Vicente Sotto III si Hernandez — na pansamantalang makalabas ng Senado nitong Sabado upang makuha ang mga dokumentong maaaring magsilbing ebidensiya.
Una nang idinawit ni Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva sa nasabing kontrobersya.
Si Hernandez ay kasalukuyang nakakulong sa Senado matapos siyang I-cite in contempt ng Senado.
Paliwanag ni Lacson, mahalagang mapanatili ang chain of custody upang masiguro na magiging malinaw at tatanggapin sa korte ang mga ebidensiyang ito.
Dagdag pa niya, susundin ng Senado ang tamang proseso sa pagbubukas ng mga dala ni Hernandez, kabilang ang mga dokumento at computer, upang posibleng maiharap ito sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Setyembre 23.
Sinabi pa ni Lacson na maaari ring matalakay ang mga bagong developments sa gaganaping pagdinig.
Ipinaliwanag niya na kaya pinayagan si Hernandez na magsumite ng mga dokumento ay upang magkaroon ito ng matibay na basehan sa mga pangalan na kanyang binanggit sa mga naunang pagdinig, kabilang sina Estrada, Villanueva, at dating Caloocan 2nd District Representative Mitch Cajayon-Uy.
Aniya, ayaw umanong magbitaw ng pangalan si Hernandez nang walang hawak na ebidensiya, kaya’t nagpasya silang payagan itong magsumite ng mga kaukulang dokumento.











