Inilabas na ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor ang mga detalye ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa opisina ng tagausig, nakasaad sa inihain nilang Document Containing the Charges (DCC) ang mga krimeng isasailalim sa pagsusuri ng Pre-Trial Chamber bilang basehan para sa confirmation of charges hearing.
Batay sa dokumento, pinapanagot si Duterte sa sumusunod na mga kaso:
Murder bilang crime against humanity sa Davao City noong siya ay alkalde, mula 2013 hanggang 2016.
Murder laban sa “high value targets” sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong siya ay pangulo, mula 2016 hanggang 2017.
Murder at attempted murder kaugnay ng barangay clearance operations sa iba’t ibang lugar sa bansa noong siya ay pangulo, mula 2016 hanggang 2018.
Inilahad ng mga tagausig ang 49 na insidente na nagpatibay sa kaso, kung saan may kabuuang 78 biktima: 19 para sa count 1, 14 para sa count 2, at 45 para sa count 3.
Nakasaad din sa dokumento na si Duterte umano ang nasa likod ng mga insidente dahil siya ang naglaan ng pondo at nagtalaga ng mga tauhan upang maisagawa ang tinaguriang war on drugs.
Kasabay nito, inilabas din ng prosecution ang Pre-Confirmation Brief, na naglalaman ng detalyadong paliwanag, ebidensya, at argumento na magpapatibay sa kanilang kaso laban kay Duterte.
Matatandaang nakatakda sanang ganapin noong Setyembre 23 ang confirmation of charges hearing, ngunit ipinagpaliban ito matapos igiit ng depensa na may isyu sa kalusugan ang dating pangulo. Ayon sa kanila, hirap na raw itong makaalala ng mga pangyayari at nakararanas ng memory lapses.











