Sumampa na sa 17,322 pamilya o 23,481 katao ang naitalang apektado ng pinagsama-samang epekto ng Habagat, Bagyong Marisol, at Super Typhoon Nando sa Region 2.
Pinakamaraming inilikas sa Cagayan na may 4,173 pamilya o 12,813 katao, sinundan ng Isabela na may 2,636 pamilya o 9,351 katao, Batanes na may 220 pamilya o 596 katao, at Nueva Vizcaya na may 157 pamilya o 307 katao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Regional Director Lucia Alan, sinabi niya na umabot na sa 6,627 pamilya o 21,453 katao ang displaced population mula sa 218 barangay dahil sa epekto ng sama ng panahon.
Sa ngayon, nananatili sa 160 evacuation centers ang 3,379 apektadong pamilya o 10,513 katao, habang pansamantalang nakikituloy naman sa kanilang mga kaanak ang 927 pamilya o 2,585 katao.
Sa kabuuan, nakapagbigay na ang DSWD Region 2 ng ₱878,184.81 halaga ng assistance na binubuo ng family food packs. Maliban dito, may prepositioned non-food items at modular tents na ipinamahagi sa mga evacuation center upang kahit papaano ay mapangalagaan ang privacy ng mga evacuees.











