Hindi gaanong malakas na ulan at hangin ang naranasan sa bayan ng Maconacon, Isabela sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Nando kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ricky Butch Bartolome, MDRRM Officer ng Maconacon, sinabi nito na bagama’t nakaranas sila ng mga pag-ulan at hangin, hindi ito kasing tindi ng inaasahan.
Dahil dito, ang posibleng pinsala na lamang na kanilang binabantayan ay sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga pananim na saging at ilang high-value crops. Sa ngayon, wala pa namang naitatala na pinsala sa imprastruktura.
Gayunpaman, nananatiling masama ang lagay ng karagatan sa baybayin kaya’t ipinapatupad pa rin ang “no sail policy” upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda.
Dagdag pa ni Bartolome, nabigyan ng agaran atang suporta ang ilang mangingisda na pansamantalang hindi nakapalaot para mangisda, kabilang ang food packs at iba pang basic assistance mula sa lokal na pamahalaan.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ni Bartolome ang mga residente, gayundin ang mga may kaanak sa Maconacon, na nasa mabuti at ligtas na kalagayan ang mga tao sa bayan. Ito ay bunsod ng preemptive evacuation na maagang isinagawa ng lokal na pamahalaan bago pa tumama ang bagyo.
Sa ngayon, patuloy pa ring nakabantay ang MDRRMO sa mga posibleng epekto ng sama ng panahon at handa silang magbigay ng agarang tugon kung kinakailangan.











