--Ads--

Nanlumo ang ilang magsasaka sa bayan ng Luna, Isabela matapos mabasa ng ulan at masira ang kanilang aning mais.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Val Galinggana, isang magsasaka, sinabi niyang limang araw na nilang binibilad ang kanilang inaning mais subalit palaging naaabutan ng ulan. Dahil dito, unti-unti itong nasisira at hindi na maibebenta sa mataas na halaga.

Aniya, nagsisimula nang mangingitim at magkaroon ng pagtubo ang mga butil ng mais, na malinaw na indikasyon ng pagkasira at pagbaba ng kalidad nito.

Dagdag pa niya, malaki ang kalugian ng kanilang grupo ng magsasaka dahil aabot sa 230 sako ng mais ang kasalukuyang binibilad, at lahat ng ito ay nabasa na ng ulan.

--Ads--

Bagama’t maganda ang presyo ng mais ngayon na nasa ₱17 kada kilo para sa tuyong mais at ₱10 kada kilo para sa sariwa, hindi pa rin umano nila mapapakinabangan nang lubos ang kita dahil sa patuloy na pag-ulan. Bukod dito, patuloy ang kanilang gastos sa bayad sa mga trabahador at pagkain para sa limang araw ng pagbibilad, kahit hindi natutuyo ang kanilang ani.

Samantala, patuloy pa rin nilang binabantayan ang mga nakabilad na mais sa Bypass Road, San Fermin, Cauayan City upang matiyak na hindi manakaw ng mga masasamang loob.

Sa kabila ng kanilang pagkalugi, ipinagdarasal na lamang ng mga magsasaka na huminto na ang pag-ulan sa mga susunod na araw upang maituloy ang maayos na pagbibilad ng kanilang ani at hindi na tuluyan pang masayang ang kanilang pinagpaguran.