Napondohan na ng P50-Million ang mga dapat ayusing bako-bako o butas-butas na kalsada sa West Tabacal Region ng lungsod ng Cauayan.
Matatandaan na kaliwa’t kanan ang naging pag daing ng mga residente sa lugar dahil sa hirap nilang pag baybay sa kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi niya na nakipag-ugnayan na rin siya sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA) para humingi ng pondo sa mga farm to market roads.
Nakikipagtulungan na rin aniya sila sa mga iba’t-ibang National Agencies para makalikom ng pondo para sa pagpapaayos ng mga kalsada.
Ngayon ay prayoridad aniya ng lokal na pamahalaan ng Cauayan na maayos ang daan sa West Tabacal Region para maayos ang transportasyon ng mga produkto ng mga magsasaka.
Dagdag pa ng Alkalde, maging siya ay nag re reklamo rin aniya sa butas butas na kalsada subalit kinakailangang unawain na hindi sabay sabay na napopondohan ang mga ito.
Sa susunod na taon aniya ay makikita na ang unti-unting pagsasaayos sa West Tabacal road dahil mayroon na itong pondo.
Samantala, maging ang Sipat Bridge na kamakailan lamang ay gumuho ang approach ay paglalaanan din ng pondo dahil ito ang kumokonekta sa Poblacion Area at West Tabacal Region.










