Inatasan na ng Department of Agriculture at National Food Authority (NFA) ang mga opisyal ng baramgay para i validate o suriin ang mga magsasaka na kwalipikadong makapag benta ng palay sa NFA.
Ito ay makaraang kwestiyonin ng Provincial Government ang proseso ng pagbebenta ng palay sa NFA sa mga nagdaang committee hearing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist, sinabi niya na ibinaba na ang validation sa mga barangay dahil ang barangay ang lubos na nakakakilala sa mga magsasaka.
Sa ngayon aniya ay mayroon lamang 6,278 allocation ang Cauayan at at inaasahang sa susunod na cropping season ay mas dadami pa ang makakatanggap ng benepisyo mula sa NFA.
Aniya, batay sa Palay Procurement Program ng NFA mayroong guidelines na ibinababa ang ahensya upang matiyak na hindi mga private traders ang magbenta ng palay sa ahensya.
Isa aniya sa guideline ay ang mga magsasaka na myembro ng RSBSA at mayroong sinasaka na 0.5 hectares pababa ang prayoridad na makapagbenta sa NFA subalit tatanggapin pa rin naman aniya ang ilan pang mayroong 2 hectares below na sinasaka.
Upang matiyak na mga small farmers lamang ang makakapagbenta sa NFA ay kinakailangan ang koordinasyon sa barangay.
Ang barangay ang inatasan para magbibigay ng certification sa mga magsasaka kung kwalipikado itong magbenta, at kung mayroon na itong certification, ito ang isusumite sa DA bilang hudyat nang pagsisimula ng joint inspection ng DA, opisyal ng Barangay, at IA president.











