--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang konsolidasyon ng Department of Education Region 2 kaugnay sa mga nasirang gusali sa Calayan at iba pang bayan ng Cagayan matapos ang pananalasa ng Bagyong Nando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, nakikipag-ugnayan ang mga DRRM focal person ng Schools Division Offices sa mga apektadong probinsya, at nakalap na ang listahan ng mga nasirang paaralan, bagama’t hindi pa kumpleto ang datos.

Humihingi rin ang kagawaran ng pondo para sa clean-up drive at paglilinis ng mga silid-aralan na naapektuhan ng bagyo, gayundin ng pondo para sa pagtatayo ng temporary learning spaces sa mga silid-aralan na nawalan ng bubong.

Habang inaayos pa ang mga gusali, muling ipatutupad ang modular learning. Aniya, mabibigyan ng learners’ activities ang mga bata upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon sa ilalim ng pangangasiwa ng kanilang mga guro, school heads, at sa tulong ng mga magulang at community teacher assistants.

--Ads--

Ipinunto rin ni Paragas na ang mga temporary learning spaces ay nasa disenyo ng modernong tent na mas matibay. Pansamantala, maaari ring gamitin ang mga barangay hall o iba pang pasilidad na malapit sa mga apektadong paaralan habang hinihintay ang pondo mula sa central office.

Sa ngayon, wala pang tiyak na timeline kung hanggang kailan ipatutupad ang modular learning dahil kasalukuyan pang inaayos ang mga ulat at inihahanda ang pondo para sa mga silid-aralang nawalan ng bubong. Wala pa ring inilalabas na paunang halaga dahil kinokompyut pa ang kabuuang bilang ng mga silid na nasira.

Dagdag pa ni Paragas, mahirap ang pagkuha ng ulat mula sa Calayan dahil sa kawalan ng kuryente at komunikasyon sa lugar.