Isang survey na isinagawa ng ROSHI, isang fintech company na nakabase sa Singapore, ang nagbunyag na ang mga Pilipino ang itinuturing na pinaka-dishonest o hindi tapat sa Southeast Asia pagdating sa pera. Ayon sa ulat, 47% ng mga Pilipino ang hindi nagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang kalagayang pinansyal.
Umabot sa 60% ang antas ng labis na kumpiyansa sa sarili ng mga Pilipino, na maaaring magdulot ng mapanganib na investment decisions at hindi maayos na paggastos.
Nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamataas na “present bias” sa 68%, ibig sabihin mas pinipili ng karamihan ang gastos sa kasalukuyan kaysa mag-ipon para sa hinaharap.
Ang pagiging hindi tapat sa pananalapi ay iniuugnay sa stress dulot ng kahirapan, kakulangan sa financial education, at “face-saving” o pag-iwas na mapahiya sa harap ng iba, na malalim na nakaugat sa kulturang Pilipino.
Pinakamataas ang antas ng dishonesty sa mga kabataang nasa edad 21 hanggang 34, habang ang mga mas nakatatanda na nasa edad 50 hanggang 65 ay mas tapat sa kanilang pananalapi.
Itinatampok ng pag-aaral ang mga hamong kinakaharap ng mga Pilipino sa pamamahala ng kanilang pera sa gitna ng lumalalang presyuhan ng bilihin, utang, at pressure ng lipunan.
Ayon sa ROSHI, mahalaga ang pagpapalawak ng financial education at ang pagbuo ng mga patakarang sumusuporta sa pagiging tapat at responsable sa pananalapi, nang naaayon sa kultura at sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa.






