Hiniling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na isyuhan nito ng freeze order ang tinatayang nasa P4.7 bilyong air asset ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy ‘Zaldy’ Co at ng kanyang kapatid na si Christopher Co.
Ito ay bilang bahagi nang pagsusumikap ng pamahalaan na mabawi ang mga umano’y ill-gotten assets ng mga taong sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa pulong balitaan kahapon, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nagsumite ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng listahan ng air assets na nakarehistro sa Misibis Aviation & Development Corp., na pinamumunuan ng anak ni Zaldy Co na si Michael Ellis.
Nasa kabuuang $74.650 milyong halaga ng aircraft, kabilang ang isang $36-milyong Gulfstream 350 at $16-milyong Agusta Westland AW1399, na nakarehistro sa Misibis Aviation.
Ang Hi-Tone Construction and Development Corp. naman ni Christopher Co ay mayroong kabuuang $7.940 milyong halaga ng registered air assets sa CAAP, gaya ng isang $6.9-million Augusta A109E.
Bukod dito, humihingi rin ang DPWH ng freeze order sa $2-milyong Bell 505 aircraft na nakarehistro sa QM Builders, na kabilang sa Top 15 contractors na una nang ibinunyag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng malaking halaga ng proyekto sa pamahalaan, at pinamumunuan ng isang certain Allan Quirante.
Una nang hiniling ng DPWH sa CAAP, Land Transportation Office (LTO), Land Registration Authority (LRA), at Maritime Industry Authority (MARINA) na bigyan sila ng full inventory ng mga motor vehicles, lands, water vessels at maging aircraft na rehistrado sa ilalim ng mga pangalan ng mga opisyal ng DPWH at mga contractors.
Ani Dizon, isusumite nila sa DPWH ang listahan ng mga naturang air assets sa AMLC para sa posibleng pag-freeze sa mga ito.
Tiniyak rin ng DPWH chief na hindi sila titigil hanggat hindi nababawi ang pera ng taumbayan.











