Umabot sa 2,418 na kabahayan ang naitalang nasira sa Region 2 matapos ang pananalasa ng Bagyong Nando.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Ayson, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, sinabi niyang patuloy pa ang beripikasyon ng kanilang tanggapan, kaya posible pang madagdagan ang mga datos.
Sa lalawigan ng Batanes, tatlong bahay ang naiulat na partially damaged.
Sa Cagayan, 195 bahay ang totally damaged, habang 2,218 naman ang partially damaged.
Sa bilang na ito, 193 totally damaged at 2,034 partially damaged ay mula sa bayan ng Calayan, Cagayan.
Sa bayan ng Sta. Praxedes, may naitalang 182 nasirang bahay.
Sa Baggao, may isang totally damaged at isang partially damaged na bahay.
Sa Gonzaga, dalawa ang partially damaged.
Samantala, sa Nueva Vizcaya, dalawang bahay ang nasira sa bayan ng Sta. Fe.
Bukod sa mga napinsalang bahay, walo ang kumpirmadong nasawi sa rehiyon.
Isa ang namatay sa Calayan, Cagayan, matapos gumuho ang isang bahay sa Babuyan Claro.
Pitong mangingisda naman ang nasawi matapos lumubog ang isang bangka sa karagatan ng San Vicente, Sta. Ana, Cagayan.
Anim sa kanilang mga kasamahan ang ligtas na na-rescue ng mga otoridad.
Ayon kay Ayson, hinihintay pa nila ang opisyal na report mula sa Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa isinagawang rescue operation.
Patuloy ang ginagawang monitoring at damage assessment ng OCD sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.











