--Ads--

Inaasahan na ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng Cauayan City ang pagtatayo ng isang foster home o “Bahay Kalinga” para sa mga residenteng may kapansanan na wala nang matuluyan o inabandona ng kanilang mga pamilya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, Disability Affairs Officer ng lungsod, sinabi niyang kasalukuyang hinihintay ng kanilang tanggapan ang pinal na pag-apruba at pagpopondo para sa pagtatayo ng naturang pasilidad.

Aniya, layunin ng proyekto na mabigyan ng ligtas, maayos, at komportableng tirahan ang mga Persons with Disabilities (PWD) na inabandona, pinabayaan, o wala nang kamag-anak na maaaring kumupkop sa kanila.

Dagdag pa niya, may mga kaso ng PWD sa lungsod na inabandona na ng pamilya dahil sa matinding kahirapan, habang ang iba naman ay sadyang mahirap alagaan dahil sa kanilang kalagayan.

--Ads--

Ayon kay Galutera, inaasahang sa susunod na taon ay masisimulan na ang konstruksyon ng Bahay Kalinga, na planong itayo sa isang lupang ilalaan ng lokal na pamahalaan. Makikipagtulungan naman ang PDAO sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations (NGOs) upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta at operasyon ng pasilidad.

Ang Bahay Kalinga ay inaasahang magiging sentro ng pansamantalang kalinga at rehabilitasyon para sa mga PWD na nangangailangan ng espesyal na atensyon at pag-aaruga.