--Ads--

Tinatayang umabot na sa mahigit ₱597 milyon ang pinsalang iniwan ng nagdaang bagyo sa sektor ng agrikultura sa Region 2, ayon sa ulat ng Department of Agriculture.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino, ng Department of Agriculture Region 2. Pinakamalaking naapektuhan ang palay na may halos ₱424 milyon na halaga ng production loss mula sa mahigit 11,000 ektaryang taniman, kung saan 3,122 ektarya ang tuluyang hindi na makakabawi. Sumunod ang pinsala sa mais na umabot sa ₱117 milyon, karamihan ay yellow corn.

Naitala rin ang pagkasira ng high-value crops at gulay na aabot sa ₱1.1 milyon, pinsala sa livestock na nasa ₱301,000, at damage sa agricultural infrastructure at kagamitan na umabot sa ₱640,000.

Pinakaapektado ang Cagayan, kung saan naitala ang mahigit ₱324 milyon na pinsala sa palay, kasunod ang Isabela na may mahigit ₱121 milyon. Sa Quirino, kakaunti lamang ang pinsala, habang sa Batanes ay wala pang ulat na natatanggap.

--Ads--

Aniya, inaasahan pang bababa ang kabuuang halaga dahil dumadaan pa sa validation ang mga ulat. Dagdag niya, nakatakdang dumating sa Cagayan ang Secretary at Pangulo ngayong weekends upang mag-award ng tulong at rehabilitation interventions para sa mga apektadong magsasaka.