Pinabulaanan ni Archibald Torregrosa na siya ang nagpagawa ng mga pekeng ID na umano’y ginamit ng ilang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bulacan First District upang makapasok at magsugal sa casino.
Ayon kay Torregrosa, sinamahan niya lamang ang grupo noong 2022 sa membership counter ng casino upang kumuha ng kanilang casino membership cards.
Giit niya, malinaw sa CCTV footage na ang mga engineer mismo ang pumila, pumirma, at nagpakita ng kanilang sariling ID.
Dagdag pa niya, wala siyang alam kung sino ang gumawa ng mga pekeng ID o kung bakit iba ang mga pangalan ng mga engineer sa nasabing mga dokumento.
Ngunit binalaan siya ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na maaari siyang managot kung mapatutunayang sangkot siya sa pagpapagawa ng mga pekeng ID
Samantala, una nang ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson, chair ng Senate Blue Ribbon Committee, na gumagamit ng pekeng ID ang tinaguriang “Bulacan Group of Contractors” o BGC Boys, na kinabibilangan nina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Edrick San Diego, at Arjay Domasig.





