--Ads--

Nilinaw ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang pagbawi ng travel authority ni Ako Bicol party-list Representative Elizaldy Co ay hindi dapat ituring bilang isang uri ng “prejudgment” o panghuhusga, kundi isang hakbang upang tiyakin ang pagsunod sa due process sa gitna ng mga seryosong alegasyon laban sa mambabatas.

Sa kanyang pormal na tugon sa liham ni Rep. Co na kumukuwestiyon sa nasabing pagbawi, iginiit ni Speaker Dy na ang hakbang ay hindi upang agad na hatulan si Co, kundi upang bigyang-daan ang personal niyang pagharap sa mga paratang kabilang na ang isang reklamo sa House Committee on Ethics.

Ayon sa Speaker, bukod sa mga alegasyong may kinalaman sa diumano’y katiwalian kaugnay ng 2025 national budget at sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ay mayroon nang pormal na reklamong inihain laban kay Co  House Committee on Ethics.

Muling iginiit ni Dy na hindi sapat ang pagsagot sa mga seryosong isyung ito sa pamamagitan ng sulat mula sa ibang bansa, at kailangan ni Co na bumalik sa Pilipinas upang personal na humarap sa mga kinauukulang komite.

--Ads--

Kung matatandaan binasura ng Kamara ang travel authority ni Co noong Setyembre 18, at binigyan siya ng sampung araw upang makabalik sa bansa. Dahil dito, itinakda ni Speaker Dy ang deadline ng pagbabalik ni Co sa Lunes, Setyembre 29, 2025.

Samantala, ang kontrobersiyang kinahaharap ni Rep. Co ay nagbunsod ng pangamba kaugnay ng posibleng iregularidad sa badyet tiniyak ng liderato ng Kamara ang kanilang paninindigan sa due process at pananagutan sa loob ng institusyon.